Kwentong-K ni Jhonnie Quebada
Oct-16-2019Pang-anim sa sampung magkakapatid si Jhonnie, 21 taong gulang, nakatapos ng 2 nd year High School. Construction Worker ang trabaho ng kanyang Ama at maaagang binawian ng buhay ang kanyang Ina sa pagpapanganak sa kanilang bunsong kapatid. Sa pagnanais niyang makatulong sa kanyang Tatay na mag-isang nagtataguyod sa kanilang mag kakapatid, maagang namulat si Jhonnie sa hirap ng buhay. Bumibili si Jhonnie ng mga materyales na panggawa ng walis tambo sa malapit na pagawaan sa kanilang bahay, nabibili niya ito sa murang presyo at siya na mismo ang nagtatahi at gumagawa ng mga walis at pagkatapos ay inilalako niya ito sa kanilang kapit-bahay hanggang sa palengke malapit sa kanilang lugar. Kapag walang maitindang walis ay tumutulong naman siya sa pagtitinda ng gulay sa pwesto sa palengke ng kanyang tiyahin. Kung minsan naman ay tumutulong siya sa ng kanyang Kuya na isang electrician.
Bago maging miyembro ng Kasagana-Ka napupunta ang iba niyang kita sa pagbabakarda at bulakbol, hindi umiikot ang kanyang pera at ito’y nasasayang lamang. At isang araw nalaman niya ang Kasagana-ka sa pamamagitan ng kanyang Kuya, pangalawa sa panganay na kapatid na matagal nang member ng KCoop. Malaki ang naitulong kay Jhonnie sa pagsali niya sa Kasagana-Ka dahil natuto siyang maging responsable sa paghawak ng pera. Maliban sa dagdag puhunan sa Negosyo ay nakakapag bigay siya sa kanyang mga kapatid para sa pag-aaral nito at nakakapagdagdag ng pambili sa pangangailangan sa kanilang bahay. Masaya si Jhonnie sa mga kasama nito sa kanilang sentro, dito siya nakakilala ng mga pangalawang Ina na binibigyan siya ng mga payo at mga pangaral sa buhay. Ramdam ni Jhonnie ang pagiging isang parte ng pamilya sa kanilang sentro mula sa sentro ng Sampaguita 2, Lagro Satellite Office at ito’y kinatataba ng kanyang puso.
Maliban sa ramdam niya ang pagiging isang pamilya sa kanilang sentro nais manatili ni Jhonnie sa KCoop dahil nakikita niyang makakatulong ito sa pagtupad ng kanyang mga pangarap sa sarili at sa pamilya. Pangarap niyang mapa-ayos at mapaganda pa ang kanilang tirahan at nangangarap siya na dumating ang araw na makapagpatayo ng sariling pwesto para sa kanyang negosyo at hindi na niya na kakailanganin pang maglako.
Sa kasalukuyan si Jhonnie ay isa sa pinaka-batang miyembro ng Kasagana-Ka, hindi naging hadlang ang kanyang murang edad para sa pag-unlad. Halimbawa lamang nito na ang kanyang sipag at tiyaga ang naging puhunan ng kanyang pag-asenso.