BAKIT NANDITO PA RIN AKO?

 Jun-09-2023

Sa tuwing nagbabalik-tanaw ako sa aking journey sa career, lagi kong tinatanong, “Naging madali ba? Naging smooth sailing ba? Hindi ba ako nahirapan o kailan man ay nanghina?” Ang totoo, maraming beses na akong parang bibigay, parang aayaw, at parang bigat na bigat na.

Ngunit bakit nandito pa rin ako ngayon?

Marahil dahil sa mga "mantras" ko sa buhay at dahil na din sa maraming *turo o/at pamana na naibahagi ng aking mga iniidolong Ate at Kuya sa institusyon na aking kinabibilangan.

Mantra #1: WALANG MADALING TRABAHO

Kung iisipin ko na umalis dahil sa nahihirapan ako ngayon lang, paano ako titibay? Totoo na,

*Binabatak lang Ako ng mga challenges na ito para mas maging mahusay.

Yung mga pinagdaanan ko noon na halos iniiyakan at napapanaginipan ko, ano na ba ito ngayon? Sila’y mga memories na puno ng ARAL. Pero Ang pinaka bottom line-- akin itong nalagpasan at taas noo kong masasabi na sa susunod na ma-encounter ko ito ay mas alam ko na kung paano ito mapanghahawakan.


Mantra #2: KAPAG SA TRABAHO, HINDI KA DEPENDE SA TAO NA KA-CLOSE MO; DEPENDE KA SA PINAGLILINGKURAN MO

*Wag kang maging loyal sa tao(sa trabaho), maging loyal ka sa Kasagana-Ka.

Naranasan ko din ang may mabigat na kasama. O baka nga ako pa yung mabigat na kasama para sa kanila. Pero pag focused ka sa adhikain, tinatanaw at gustong mangyari ng kinabibilangan mo, mas magkaka direksyon ka. Hindi Yung magiging head mo o kateam mo ang dedependehan mo. Yung alam mo na nagiging posible ang lahat hindi lang dahil sa isang tao kundi dahil sa grupo kung saan ka kabilang. Kasi nga empowered ka. Ang goal mo ay makatulong sa team at hindi ito bilangin kasi masaya ka sa naiaambag mo. Tulad ng sinabi ko noong nag-apply pa lamang ako, “Sino ba ang ayaw na maging parte ng pag-angat?”

*Gayunpaman, wag natin kakalimutan na tayo, ang career, at ang institusyon ay may kani-kaniyang buhay, at ito ay alun-alon.

Ang alon sa dagat ay hindi palaging mataas, hindi rin palaging mababa. May panahon ng kataasan, may panahon ng kalugmukan. May panahon na napakatahimik o walang alon at all (na mas delikado dahil dagat bang maituturing ang walang alon?) Minsan nasa tuktok tayo ng tagumpay, maging handa din dahil matapos ang taas ay talagang may pagbulusok ang alon. Pero teka...hindi huhukay ang alon para mas lalong lumalim. Dahil tiyak na mayroong muling pag-angat lalo na kung iyong gugustuhin. Sa gitna ng mga alon na iyan, ang reaksyon natin sa pangyayari ay hindi kailanman nakadepende sa iba. Tayo ang may hawak kung paano tayo tutugon sa ating mga kakaharapin. At ako, mas pinipili ko lagi ang maging masaya.

Dalawa lang naman yan eh.

Haharapin mo ng daing ng daing, iiling – iling,

O haharapin mo ng may saya kahit para kang may konting tililing.

 

Mantra #3: KAPAG PINAPANSIN O SINISITA AKO, MAHAL AKO. GUSTO AKONG MAG-IMPROVE , GUSTO AKONG MAS MAGING MAHUSAY

Millennial pa po ako (1981-1986). Opo, hindi po yan biro. At madalas naiuugnay sa amin ang mga salitang: Madaling sumuko, mainipin, ayaw ng sobrang dinidiktahan (as in over), mapag-isip at may self-entitlement (o negative basahin ang nakasaad dito pero napakadami namang positive side ayon din kay google) pero sa mantra ko na ito, madalas hindi ako nagtatampo kapag sinasabihan ako. Mas nakakakaba kapag hindi ako nasasabihan tapos mali na pala ako. At sa unang basa, akala mo negative lahat ng naiuugnay sa atin pero kung mas liliripin, mapagiisip dahil nais na kapag may ibinulalas ay malinaw na maipararating ang mensahe.

Mainipin, pero ang tunay ay nakikita na mayroong mga gawain na kailangan ng pagmamadali (sense of urgency) dahil sa bilis ng usad ng oras at panahon.

Self-entitlement dahil nais nga na maging isa sa mga asset ng kumpanya. Gusto maging parte ng patuloy na paglago habang siya mismo ay patuloy din na naggo-grow.

*We owe nothing.

Lahat ng meron tayo ngayon ay mainam na isipin natin na mula ito sa Maykapal na maylalang sa atin at hindi kailanman sa atin lamang. Kung nakuha natin ito sa sipag at tiyaga, salamat sa pagbibigay sa atin ng katatagan (resiliency), kalakasan, kaalaman, wisdom, pagkakataon, at ng talento na muli ay galing sa Maykapal.

 

Mantra #4: ANG TUNAY NA PINUNO AY HANDANG UMAKO AT HANDANG PANINDIGAN ANG MGA DESISYON

Sa panahong puno ng kaguluhan, kalituhan, kahirapan at problema, mabigat magdesisyon para sa nakakarami. Pero hindi pwede ang “go with the flow”. Kailangan may desisyon at may aksyon. Hingin sa Panginoon ang tulong para mas maging tama. Pero hindi ibig sabihin na hindi na tayo magkakamali. Walang garantiya. Tao tayo na may limitasyon. Sa panahon na may mali sa aking gawain ay handa akong tanggapin anuman ito. Alam kong ako ay nasa tamang lugar na may punong puno ng konsiderasyon pero hindi ko maiaalis na maaaring may kaparusahan sa anumang aking gagawin. Maluwag ko dapat itong haharapin dahil una sa lahat ako ang may responsibilidad sa aking desisyon. Hindi na ako magdadahilan, bagkus ay hahanap nalang ng tamang solusyon.

"Responsibility equals accountability, equals ownership. And sense of ownership is the most powerful weapon a team or organization can have.”

 

Mantra #5: ANONG MAAARI KONG MABIGAY, KAYSA SA ANONG MAAARI KONG MAKUHA

Isa ito sa mantra na nakakatulong sa aking pananatili. Kumbinsido ako sa mga WHY's ng Kasagana-ka. Naalala ko ang librong Why Leaders Eat Last ni Simon Sinek. Sa panahon na nahihirapan ako, tinatanggal ko sa isip ko ang bakit hinahayaan ko na mahirapan ako. Bagkus, inaaalala ko ang panahon na hindi ako binitawan ni Kasagana-ka. Hindi ako sinukuan nito. Hindi ako kailanman pinabayaan.

Mula noon hanggang ngayon, sa highs and lows ng performance ko sa mga na-eencounter ko sa personal na buhay. Sa pandemyang nagdaan. Muntik itong sobrang malugi noon, para ngang nagsalita ito na, "Hindi bale na. Basta mabuhay at magsurvive ang mga sundalo ko." Hindi ko ito kailanman makakalimutan. Hindi tumitigil sa pagpapabuti ng benepisyo ng mga tao. Ikumpara mo sa ibang mga private institutions. At ang ipinagmamalaki ko, maganda na ang binibigay, mas pinapaganda pa. I couldn’t ask for more. Ang karamihan sa panahon ng pandemya, kani-kaniyang expense sa swab test. No work no pay. Kani- kaniyang proseso sa sickness benefits. Walang masyadong pangungumusta.

Sa Kasagana-ka. Alam mo na. Ibang-iba.

Sa mga pahiram ni KEEPF, asikasong-asikaso, sistema patuloy na inaayos. Komento mo, we value it most. Bilis ng proseso, hinding-hindi ka mago-ghost. Interes hindi ganoon kataas. Pakitanong sa ibang private company kung meron niyan bago ang ating negatibong puna sa mga maliliit na mga bagay. Sa organisasyong ito, mahalaga ang opinyon ng bawat isa. Pero kung ito ay mananatiling sa iyo,ang opinyon ay hindi magiging datos para sa patuloy pa nating pagkatuto at pag-unlad.

Sa mantra na ito, may background music sa isip ko.

Ang singer, yung organisasyon.

Ang kanta, “Bakit nga ba mahal kita?”

Realization: Kung di niya tayo ganoon kamahal, matagal na siguro yan nanumbat. Halimbawa, kapag nalate tayo, bawas sahod ba agad? Kapag nagkasakit ka, wait ka lang ba gumaling? Kapag nagkamali ka, pinaparusahan ka ba agad? Kapag natagalan ka sa pagkain, inoorasan ka ba?

Kaya ipinagpapasalamat ko ang lahat ng benepisyong meron ako. At sa abot ng aking kakayahan ay pilit kong ikaw ay suklian.


 

Mantra #6: BAKIT AKO NAGSIMULA? AT NESCAFE, PARA KANINO AKO BUMABANGON?

Hindi lahat ng pagod, pahinga lang sapat na. Minsan kailangan mo lang pitikin ang sarili mo at itanong ang Mantra #6.

Recently nagpaalam ako ng sabbatical. Hindi ako pinayagan, seen lang nga. Kung matampuhin siguro ako, magtatampo nalang talaga ako. Pero hindi. Hindi ako pwede mawala sa sirkulo, lalo pa ngayon. May dahilan kung bakit hindi pa ngayon.

*Sabi nga diba, if the answer is No-- baka need ko maghintay para sa Yes. God has the perfect timing.

Kadalasan ngayon pag napagod, sumusuko na (don't get me wrong, valid ang nararamdaman mo) may ganyan din naman ako noon. Pasalamat na lang ako sa support system ko that time (ang aking asawa) dahil nauunawaan niya ang aking work environment. Kapag nakakaisip ako ng pagod, siya ang tumutulong sa akin humila pabalik at simpleng linya lang niyang” GAWIN MO LANG ANG PART MO” sapat na.

Tapos maiisip ko na lang, ilang beses na ba ako nakipag-self battle. Teka muna, kaya ko na ba na maiwan ang nakasanayan ko na? Ang makita ang galak ng mga taong nasabihan mo lang naman ng “Thank You”. Ang ngiti ng mga staff na naipo-promote mo na o mga taong magagaling na at nakahanda ng ma-promote. Ang ngiti ng mga nanay na natutulungan. Ang mga buhay na nababago including OURS. Kaya ko na ba…? Hindi. Hindi ko kaya… Hindi ko kayang iwan ang bagay na sigurado akong mamimiss ko. Para sa akin, there is no other environment like Kasagana-ka. Hindi lang K-COOP ang tinutukoy ko dito kungdi ang kabuuan ng KSO (Kasagana-ka Synergizing Organizations). Tapos titingnan ko pa yung anghel ko na pamana sakin ng aking asawa. Yung future niya na tatahiin naming dalawa. Yung taong naiwan sa akin at sobra sa akin humanga. Hindi niya ako pwedeng makita na mahina. Mas lalo ko dapat sipagan at ayusin. Sabi nya "Mom, why do you work here?" Ang sagot ko, "I CAN’T THINK OF ANY REASON NOT TO WORK HERE ANAK" (and I can't imagine myself not working here anymore)

(sabay dugo ng ilong....)

Yung mantra na ito ay madalas kong naiisip kapag napanghihinaan. Kapag may nangyayaring salungat sa gusto kong kaganapan, o kapag ako ay kulang sa tulog sa isang linggo.

Kaya nga isa sa adbokasiya ko ang work-life balance. But then again, it's not up to me. Nasa sa iyo na ang bola na yan.

 

Mantra#7 BETTER DAYS ARE COMING

"An arrow can only be shot by pulling it backward. So, when life is dragging you back with difficulties, it means that it’s going to launch you into something great. So just focus, and keep aiming. – Paulo Coelho"

Hindi ako naniniwala na may problemang forever, kasi wala naman ngang forever. Yung problema natin ngayon, may hangganan yan.

So iiklian ko lang ito. Laging may pag-asa. Hindi laging masaya pero alam ko, laging may better days.

 

Mantra#8 ALWAYS, ALWAYS, BE GRATEFUL

Totoong napakahirap maging positive thinker kapag humaharap sa sunod-sunod na problema. Sabi nga, alon na mala-bagyo. Sunod-sunod. Nakakalunod.

At siguro,sa dami na din ng napakasasamang pangyayari sa mundo (sa news, newsfeed, etc.). Pero sino ba ang kumokontrol sa ating nararamdaman. Kung sasabihin mong ibang elemento, ay nakakatakot ka.

Kung sasabihin naman na ibang tao, robot kaba?

May mga bagay na nangyayari na di na natin kayang masaklaw pa. Ang malayang pagpapasya ay ang pinakadakilang regalo ng Diyos sa sangkatauhan. Tayo ang kayang kumontrol sa ating nararamdaman, sa ating isipan at sa kung paano natin tatanggapin ang mga bagay sa mundo. Wag tayo malungkot kung hindi natin kaya mapasunod o makontrol ang iba, kasi nga ang regalo sa iyo ay ang makontrol lang ang sarili mo. Hindi ang iba.

*Palaging maging masaya sa mga bagay na meron tayo ngayon.

Kasi hindi lahat ay tumatamasa nito. Kung anong meron ka ngayon, may nakatingin sa iyo at nangangarap na maging katulad mo. Hindi natin kailangan ng sobra. Ang kailangan natin ay ang sapat na. Kung nawalan ka na din tulad ko, mauunawaan mo na hindi pera ang pinakamahalaga. Kataas-taasang pagmamahal sa Maykapal, kalusugan, kapamilya, kaibigan, at kabutihan sa abot ng iyong kakayahan, kaligayahan tiyak ay masusumpungan ♥️

 

Disclaimer: Hindi po ako ganun kabuting tao, marami din akong flaws at imperfections. Patuloy lang akong natututo sa pagbubulay-bulay at natututo sa mga tao sa aking paligid.

Ang may akda ay empleyado ng K-COOP. Labing-apat na taon na siyang naglilingkod sa mga Nanay-miyembro ng Kasagana-ka.