Kwentong-K ni Ate Rachel Volcan

 Aug-09-2019

          Bago maging miyembro si Ate Rachel ng KASAGANA-KA siya ay nag tatrabaho sa isang pribadong kumpanya taong 2009. Ang mga kaibigan niya ang nag impluwensiya sa kanya na sumali sa kooperatiba, maraming agam-agam noon si Ate Rachel sa kadahilanang siya’y takot mangutang. Takot sa mga bagay na maaring kahinatnan sa kanyang pagpasok sa organisasyon. Noong panahong din iyon, siya ay buntis sa Bunso niyang anak at kinailangan niyang mag resign sa trabaho. Nakilala niya si Kuya Eduardo na nagkumbinse sa kanyang sumali, isang S.O na mula sa Bagong Silang Satellite Office noong mga panahong iyon. Loading at maliit na sari-sari store ang kanyang negosyo noon. Limang-libo (5,000) ang unang utang ni Ate Rachel na kanya namang ginamit para sa kanya puhunan. Maliban sa negosyo ang isa pang dahilan ng pag sali ni Ate Rachel sa KASAGANA-KA ay ang insurance na sa halagang bente pesos ay secure na siya.

          Hirap sa pangtustos noong panahong iyon sila Ate Rachel, ang trabaho ng kanyang asawa ay tinamaan ng Global Crisis na sobrang dalang lamang ang nagiging pasok sa trabaho at tuwing sahod ay kakaunti lamang ang sinasahod. Kaya naman ang K-Eduk ang kanyang naging takbuhan sa pangbuno sa pag-aaral ng kanyang anak hanggang sa unti-unti itong makagraduate. May pagkakataon naman na nagkaron ng sakit si Ate Rachel. Nung una ito ay hindi niya iniinda, at nang lumaon ay marami na ang nakapansin na may lumalaking bukol sa kanyang leeg. Hanggang sa siya naging iritable, at hindi na niya matututukan ang kanilang negosyo. Siya ay nagpacheck-up at lumabas sa resulta na siya ay mayroong Goiter. Kasama ng pagsali niya sa KASAGANA-KA ay ang pag miyembro rin sa PhilHealth, kaya naman noong lumabas na siya ay may Goiter ito ang nakatulong sa kaniya at kaakibat din nito ang pag loan niya sa K-Kalusugan para sa mga gamot. Laking pasasalamat niya rin sa Health Dev. dahil dito natutukan na niya ang kanyang kalusugan at tuwing may check-up o kailangan ng agarang konsulta ay hindi niya kailangan na maglabas ng pera. Nabanggit rin niya na sila’y sinalanta ng Bagyo, at naka-avail ng K-Kalamidad. Nabagsakan ng puno ng kaymito ang isang parte ng kanilang bahay, pinaayos nila ito sa pamamagitan ng K-Bahay. Mahigit sampung taon na sila nakatira sa kanilang bahay at noon ay nagkaroon sila ng pagkakataon na mapaayos ang bubong na dati’y butas-butas, pina-finishing ang kanilang dingding at nagkaroon din extension ang kanilang bahay dahil lumalaki na sila sa pamilya.

          Isa ang anak ni Ate Rachel sa mga labing pito (17) na masisipag at matyagang mga shcolars na mga nagsipagtapos ng Automotive Servicing at Truck Driving noong ika-22 ng Pebrero 2019. Sila ang mga kauna-unahang batch ng scholars ng San Miguel Yamamura Packaging Corporation sa pamamagitan ng pagtutulungan ng K-Coop at Don Bosco College-Canlubang, Laguna na kanilang naging tahanan sa loob ng apat na buwan. Laking pasasalamat ni Ate Rachel dahil matapos ang pag-aaral ng kanyang anak ay mayroon agad itong trabaho. Sa pagbabalik-tanaw niya bago niya ipasok ang anak niya dito ay halos isang taon itong walang trabaho. Kaya naman nang ito’y makumbinse niya ay hindi nagdalawang isip na sumali at dagdag pa niya na ang anak niya ang kauna-unahan sa listahan. Siya mismo ay nangarap rin na matuto ng Automotive na ngayon ay pinapasa na niya sa kanyang anak at isa pa doon ay ang paaralang papasukan ay isa sa mga tinitingala ni Ate Rachel na hindi niya akalain na ang anak niya ay magiging isa na sa bahagi ng Don Bosco-College.

          Si Ate Rachel ay aktibo sa kanilang simbahan, at dito rin nahubog ang kanyang pagiging isang leader. Kaya nang siya ay pumasok sa KASAGANA-KA dito lumawak ang kanyang karanasan, siya ay naging Center Chief sa kanilang sentro at sa kasalukuyan ay isa siya sa mga Ethics Committee ng kooperatiba. Malaki ang nabago sa buhay ni Ate Rachel, noong bago pa siya pumasok sa oraganisasyon ay umaasa lamang siya sa kanyang asawa. Hindi niya sukat akalain na makakarating siya kung ano siya ngayon, na siya ay kapakipakinabang sa kanilang pamilya at lalong higit sa organisasyon.

                                                     “Ang pagiging edukada ay wala sa natapos na kurso. Wala yan sa yaman, wala yan sa natapos kundi kung papaano ka maging tao sa kapwa mo.” – Rachel Volcan 2019