My Covid-19 Journey (Sarah Jean Sarmiento)

 Oct-01-2021

     Isa ako sa unang nagpa-RESBAKuna kontra Covid 19 at buo ang loob ko sa naging desisyon ko na iyon. After 3 days mula ng ako ay mabakunahan ay nakaramdam ako ng kabigatan ng pakiramdam ngunit di naman ako nilagnat. Hindi ko iyon inaasahan dahil alam ko na di naman ako sakitin at sobrang bihira ko din nagagamit mga sick leave ko noon pa man. Naramdaman ko bahagya ang pangangati ng lalamunan kung kaya’t agad po akong nag-take ng Over the Counter medicines sa pag-iisip na ito ay dahil lang din sa bakuna.

     Isang araw bago ako pumasok ay ginawa ko ang aking routine, magtitimpla ng matapang na kape at aamuyin muna ito bago inumin. Ipinagtaka ko na wala akong gaanong maamoy na aroma at nang tikman ko ito ay bagama’t may lasa ay parang matabang. Pumunta ako ng banyo at umamoy ng sabong pampaligo pero wala din akong maamoy. Hindi pa rin ako nakumbinsi kaya nagwisik ako ng isang matapang na pabango at wala itong ka-amoy amoy. Nangamba ako, hindi para sa sarili ko kundi para sa mga kasama ko sa bahay. Ang mama ko na may hika at ang anak ko. Kinalma ko ang sarili ko upang makapag-isip ng susunod na tamang gawin. Mapalad ako na may mga kaanak akong BHERT kaya madali ako nakapagpa-advise sa kanila. Nag facemask agad ako at pinalipat ko agad ang mga kasama ko sa bahay sa kabilang bahay. In short, pinalayas ko sila ?. Haha kidding aside, nangangamba talaga ako para sa kanila. Kasi para sa akin, okay na ako lang ang magkasakit, huwag lang sila. Sa trabaho, hindi ako sobrang nangangamba dahil kahit nakasalamuha ko sila, hinding hindi ako nakikipagusap sa kanila ng malapitan, hindi ako nakikisabay sa kain, Ayaw na ayaw ko nagtatanggal ng mask. At hindi ako nag-uubo sa loob ng opisina. Panay din ang aking hugas ng kamay at pag-aalcohol. Pasalamat ako at nakasanayan ko yun dahil kung hindi, baka pati sila ay kasama sa sobrang alalahanin ko pati ang pamilya nila.

     Balik sa aking kwento, pinayuhan ako na magpa-swab test at nakakuha naman ako agad ng schedule para sa mismong araw na iyon. May sumundo sa akin na ambulance patrol at naging mabilis na ang mga araw. In 3-4 days nakita ko na ang resulta, Viral-RNA DETECTED, hindi ko na ito ikinabigla dahil sabi din sa akin ng mga kaanak kong nurse ay malaki ang posibilidad na mag-positibo ako dahil kakapa-vaccine ko lamang. Ang sumunod kong ginawa ay nag-schedule ako ng gagawin ko sa loob ng bahay. Hindi maaari na ako ay nakatunganga lang dahil hindi ito makakabuti sa akin--pisikal, mental at emosyonal. Sa umaga ay nag-aalmusal na ako at nagdi-disinfect ng buong kabahayan. 2 – 3 beses ang suob ko: isa matapos maligo sa umaga (11am) at isa bago matulog. (yung isa, kung sa pakiramdam ko ay kailangan). Kasama sa routine ko ang araw-araw na pagpisik ng orange skin sa akin ilong kasi nakakatulong daw ito magpanumbalik ng pang-amoy at matapos ang dalawang araw ay unti-unti ng bumalik ang aking pang-amoy. Sa hapon naman ay panahon ko ng pananahimik, pagsusulat, pagbabasa. Minsan kung may meeting ay pinipili ko umattend dahil nakakabawas ito ng pagkabagot.

     Dinadalhan din ako ng pagkain at vitamins o/at gamut, kung minsan naman ay nagpapabili ako. Iniiwan lamang nila sa terrace o isasabit sa pinto pagkatapos ay magchachat sila. Hindi kasi pwede na basta na lamang ako lumabas dahil baka makita ako ng aking anak at magtatakbo siya sa akin. Ang alam kasi niya ay nag-stay ako sa work.

     Ang panahon ng aking quarantine ay naging panahon ko din ng pagninilay. Bakit ako dinapuan ng sakit samantalang malakas naman ako. Marahil isang dahilan ang aking naranasan sa nakalipas na ilang buwan bago ako magpabakuna. Ganun pa man, walang pagsisisi sa akin ang pagpapa-bakuna at tiwala ako sa Diyos maging sa siyensya na ito ang makakabuti para sa akin at sa mga mahal ko sa buhay. Fully vaccinated na ako ngayon at hindi naman gaano ininda ang 2nd dose.

     Araw araw na muli sa trabaho at lavarn lang ng lavarn. Sa panahong katulad nito napakahirap magkasakit, lalo na kung malala dahil sa mga nakakaiyak na sitwasyon sa mga ospital. Kung nababasa mo ito ngayon na ikaw ay may sakit, lakasan mo ang loob mo, kapit ka sa Ating Panginoon (Jehova) at magtiwala na you will be healed. Sabayan mo na din ng patuloy na pag aalaga sa sarili mo. Tandaan mo na marami ang nagdarasal para sa iyo na may malakas na faith kaya mas lakasan mo. Kung ikaw ngayon ay nasa maayos naman na kalagayan ay manatili sa pagsunod sa protocols. Panahon ito ng pag-iisip na di lamang para sa sarili kundi para sa ating kapwa. Oo, malungkot ang walang kwentuhan habang kumakain, pero mas malungkot ma-quarantine, mapalayo sa mahal sa buhay , lalong lalo na ang mawalay sa kanila habang-buhay.

 

MAGPALAKAS | Katawan at pananampalataya

Sarah Jean Sarmiento

Cluster Manager- East 2