KAPAG GUSTO MAY PARAAN
Sep-30-2020Mahigit tatlong (3) buwan nang hindi pumapasok sa trabaho si Sheena Roque, OAS mula sa Satellite Office ng Pulilan. Ito ay dulot ng malawakang lockdown sa buong Luzon. Kasama niya sa kanilang bahay ang kanyang asawa at dalawang anak. Sa loob ng tatlong buwan ay hindi sila nakaranas ng gutom sapagkat siya ay nakakatanggap parin ng sahod mula sa K-Coop. Bukod pa roon ay nakatanggap din sila ng ayuda mula sa kanilang LGU at mapalad din na nakatanggap ang kaniyang asawa ng SAP mula sa DWSD.
June 1, 2020, nang ideklara ng pamahalaan na ang lalawigan ng Bulacan ay sasailalim na sa General Community Quarantine kung saan may Satellite Office ang K-Coop kung kaya’t maaari na itong magbalik sa operasyon. Sa kagustuhang pumasok muli sa trabaho hinarap niya din ang mga hamon na kaakibat nito. Isa na rito ang transportasyon, bagamat GCQ limitado pa rin ang mga maaaring masakyan ayon na rin sa atas ng pamahaalan. Sa unang araw sinubukan niyang maglakad patungong opisina ngunit hindi pa nangangalahati ay nabatid niyang nauubos na ang oras at enerhiya niya kung kaya’t hindi na siya nagtuloy. Sinubukan niyang maghanap ng ibang paraan sa tulong ng kanyang butihing asawa. Naisip nilang magbisikleta at pinalad na sila ay makabili kahit second hand. Kinabukasan ala-sais ng umaga, umalis si Sheena sa kanilang bahay gamit ang bisikleta at nakarating siya sa opisina bago ang alas-otso ng umaga. Sinigurado niyang may dala siyang extrang damit pamalit, nagbihis, uminom ng tubig at punas ng pawis at nag-umpisa na ang araw ni Sheena sa trabaho. Pagsapit ng alas-tres ng hapon ay naghahanda na siya at kaniyang mga kasama para naman sap ag-uwi. Lulan ng kaniyang bike, tatahakin niya ang daan pauwi sa kaniyang tahanan at saktong ala-singko ay nakarating na siya rito.
Araw-araw, dalawang oras papunta, dalawang oras pauwi makapasok lamang muli at makapagsilbi sa mga miyembro ng K-Coop. Yan ang dinanas ni Sheena sa loob ng dalawang linggo. Tinuring na lamang niyang ehersisyo ang pagba-bike. Bilang empleyado nais niyang makabawi bilang pasasalamat sa hindi pagpapabaya sa kanya ng K-Coop na sa mahigit tatlong (3) buwan na walang pasok ay hindi siya pinagkaitan ng sahod kaya may sapat na nakakain ang kanyang pamilya sa kabila man ng pandemya na dinaranas ng lahat. Ramdam ni Sheena ang malasakit ng organisasyon sa mga tao nito kaya para sa kaniya marapat lamang na ibalik ito sa pamamagitan ng pagttrabaho ng maayos at buong sipag.
Nanghina man si Sheena sa mga nangyayari sa kapaligiran ay hindi parin niya maalis ang pag-aalala sa Satellite Office na kaniyang pinagsisilbihan. Nanghihinayang siya sa mga araw na lumipas, sa tatlong buwang walang pasok, batid niyang mahirap maka-bawi agad ng bilang ang operations, kung mahirap na noon ay mas mahirap sa ngayon lalo at limitado ang pagkilos. Ngunit kahit nahihirapan mas pinipili ni Sheena na panghawakan ang pag-asa. Humuhugot siya ng lakas sa kaniyang mga kasama sa opisina na nakikita niyang tuloy-tuloy na nagpupursigi. Alam niyang bilang OAS hindi man siya direktang nakakasalamuha sa mga miyembro tulad ng mga SO ay malaki ang ambag ng kaniyang posisyon upang maihatid ang mga programa at serbisyo ng K-Coop sa mga miyembrong nangangailangan nito lalo na sa kasalukuyang panahon. Buo ang loob ni Sheena na sa kabila ng mga hamon na dulot ng pandemya sa kaniyang personal o sa trabaho alam niyang kasama niya ang pamilya ng K-Coop at ramdam niya ang lakas at malasakit ng bawat isa.